Home » Post Item » Ang mga Pag-bati

Ang mga Pag-bati

January 21, 2009

Part 2

 

 

Isang magandang araw ang sa akin ay bumati, isang sinag ng araw, mga alapaap na tahimik, may katahimikan, may kalungkutan. Mga nagmumugtong mga mata na naghihintay sa mga luhang lalabas sa kanyang mga mata. Ano ang kanyang iniisip at ano ang kanyang nais iparating? Tanging imahinasyon at pagmumuni-muni lamang ang kanyang katabi sa araw-araw at hindi ito magiging hadlang upang siya’y pabagsakin maging ito ay mahirap man o mabigat na pasanin sa kanyang buhay, isang inspirasyon ang kanyang dinadala,hindi niya pinananatiliang bumagsak ang kanyang mga tuhod buhat ng kahirapan, oo; ang kahirapan ang sa kanya’y naghimok upang subukin ang lahat ng hindi nalalaman ng kanyang sarili.

Sinabi ko sa aking sarili; “nais ko sanang tumugtog ng magandang kanta upang mabawasan lamang kahit kaunti ang aking nadaramang sakit o kalungkutan at nais ko ring maglakbay patungo sa iba’t-ibang dako ng Pilipinas pati narin sa ibang bansa, masilayan ko lamang ang aking pagkabinata”, ngunit sa kabila ng mga ito ay isang malungkot na mukha ang naipapakita sa tuwing nag-iisa.

Pinagtatawanan nila ako, hinihimok sa mali at hindi ko ito pinapansin, kinakantyawan ng karamihan sa mga mapuputi at mayayaman sa iba’t-ibang salin ng lahi kung saan sila ay nagmula. Tinatanggap ko ang kanilang ganti datapwat hindi ko sila gagantihan ng anumang masama. At sa araw din yaon ay iniisip ko kung papaano ako magiging matatag na pader na kahit ilang bagyo man ang dumaan ay nakatindig parin ako, iniisip ko rin kung papaano ako magiging matatag na pader na kahit ilang lindol man ang dumaan ay nakatayo parin ako sa lupa. Hinihintay ko kung kailan at saan ako makakarating sa pamamagitan niya na nagbigay sa akin ng buhay mula sa pasimula ng aking buhay, ito’y kaliit-liitan.

Parati kong iniisip kung pinagkakaitan ako ng tadhana, walang kasintahan, walang pera, walang kapanalig, walang kausap, walang kasiyahan, walang asawa, ako’y nag-iisa at walang kasama subalit may pananalig at siya ang aking parating kapanalig sa araw man o sa gabi at gayun pa man ay may malaki akong pasasalamat sa kanya mula sa lupang aking kinatatayuan patungong langit. Pinakikisamahan ako ng mga tao dahil sa nakikita nilang kalungkutan at pag-iisa sa aking mga mata, tanging mata ko lamang ang ginagamit ko upang makita ko ang mga masasayang bagay sa paligid ko. Masaya ang nararamdaman ko sa tuwing marami akong nakikitang mga kakaibang bagay tulad ng mga taong nagsasaya sa hapon at umaga pati narin sa gabi, umuupo lang ako sa tabi at tinititigan sila at kahit ako’y nagugutom at umuutang sa mga taong maaari kong lapitan ay ginagawa ko maitawid ko lamang ang sarili ko sa kagipitan at sa tag-gutom dahil sa ito lamang ang nakikita kong paraan nang ako ay nasa kolehiyo.

At sa kasalukuyang panahon, isang binibini ang aking nagustuhan kahit sa sandali ng pamamalagi sa lugar, binihag ako ng kanyang kasimplehan, may mga hiyas sa kanyang katawan, ang hubog ng kanyang katawan, isang pilibusterong binibini, sa kanyang mapupulang labi, ang kanyang bilugang mga mata, ang kaibig-ibig na kilos. Kinabukasan ay nabanaag ko, isang labong ng bulaklak na dala ng binata, tinitigan ko lamang sila at hindi kumibo.

Hindi ako kilala ng dalagang iyon, isa syang magandang dilag sa aking paningin at tangi kong inaalala kung ano ang pakiramdam ng pagkakaroon ng isang nililigawang irog o magkaroon ng isang kasintahan. Tumitingin lamang ako sa paligid, bawat lakad at hakbang nila ay aking pinagmamasdan, sa isang tahimik na lugar, nakaupo ako sa tabi at hinihintay ko ang paglabas ng binibini sa kainan kasama ng kanyang binata.

Kinaiinggitan ko ang lalaking iyon, tunay ngang may mga mata ang tadhana ng buhay. Ipinakikita naman ng aking kilos na nahihiya akong tumingin sa mga mata ng dalaga. Akin ngang sinabi, “sana ay pansinin nya ako kahit man lang bigyan ako ng isang sulyap ay sya nang ikatutuwa ng aking damdamin”. Hinintay ko ang bawat sandali at di naglaon ay pinagbigyan ako ng tadhana sa aking kaliit-liitang hiling.

Sa oras ding yaon ay tumingin ako sa malayo, tangi kong tinitingnan ang sinag ng araw sa banig ng dagat sa katahimikan nito, ngunit sa pagkakatagal na pagtitig sa paglubog ng araw kasabay ang walang hudyat na pag-papaalam ng dalaga, walang iniwang ngiti, walang iniwan ng bakas ng pagsulyap, walang iniwang bango ng kanyang katawan, wala. Hindi ko alam kung ano ang susunod kong gagawin sa tabing dagat, sa aking pananatili, o kung akin bang lilisanin ang lugar sapagkat wala na ang dalaga sa lugar o mananatiling maghihintay ng panibagong nginti at sulyap at ang gabing ito ay malungkot.

Nilisan ko na ang lugar na iyon at bumalik kinabukasan at sa paglipas ng oras ay unti-unti rin namang dumarami ang mga tao sa lugar, palubog na ang araw at narito; isang matandang lalaki na may dala-dalang pamingwit at mga pain. Pumili sya ng lugar at naupo sa buhanginan malapit sa aking kinauupoan. Kanyang inihanda ang pamingwit at nilagyan ng pain sa kawit, kanyang inihagis ito sa malayo at naghintay ng ilang sandali.

Nagmuni ako, nag bakasakali, nag hintay ako, at heto hinihila ng isda ang kawit at pagdakay tumayo ang matandan at nang hinila nito ang kanyang pain ay wala akong nakitang isda ni maliit na isda; wala. Ikalawang pagkakataong ay nilagyan nya ito ng pain sa kawit, inihanda at inihagis sa malayo, umupo ang matanda at tumingin sa malayo, tanging ako lamang ang nanonood sa matanda kung paano pagtiisan ang paghihintay sa paghuli ng isda gait ang katutubong pamingwit na gawa sa isang kawayan at tali.

Muling may isdang humila sa pamingwit at pagdakay tumayo ang matanda at unti-unting hinila ang pamingwit, walang reaksyon ang mukha ng matandang lalaki. Tanging nagpapatatag ng kanyang pagtitiwala ay ang kaalamang hindi maaaring mawala ang mga isda sa dagat. Sa ikatlong pagkakataon ay nilagyan na muli ng pain ang kanyang pamingwit at inihagis sa malayo, siya’y umupo habang lumubog na ang araw.

Sa pagkakataon na iyon ay hindi nawawalan ng pagtitiis ang matanda. Swerte ang matandang lalaki na kahit isa man lamang na isda ang mahuli ng kanyang pamingwit at umabot ng ilang oras ang paghihintay ay naisip ko ang bagay na ito; ang pagtitiis ng matandang lalaki na aking nakita’t nakasama sa hapon ding yaon ay katulad rin ng mga taong binabalutan ng pagtitiyaga’t pagkakaroon ng pag-asa.

Narito, natapos ko na ang aking mga pagtitiis sa mga nakaraang hapon, umaga, gabi ng nakalipas na taon at ngayon naman ay aking masisilayan ang panahon ng tag-ulan at tag lamig. Aking hinahanap hanap ang mga bagay na makapag bibigay aliw sa akin, sa aking piling; oo pati narin ang mainit na pakiramdam ay akin din namang hinahanap hanap. Narito, isang lalaking nag ngangalang Buchoy ang hindi mapakali sa panahon ng tag-lamig at tag-ulan, nais ng kanyang mga paa na lumakad lakad sa daan, sa malalayong lugar kung saan hindi sya matatanaw ng kanyang magulang, ng kanyang mga kaibigan, ng kanyang pagkabalisa, kung saan sinisilay silay nya ang bawat sandali ng kanyang kabataan at kanyang nililibang ang bawat oras na sa kanya’y dumating.

Pumaparito’t paroon siya sa bawat gabi, oo; ang kanyang mga mata’y nakakarating sa dakong kanan maging sa dakong kaliwa, maging sa dakong harapan at likuran. Isang leon na nais sumila ng laman sa gabi, may mga matatalim na mata, may liwanag ang kanyang mga mata sa dilim. Isang mapusok na nilalang sa gabi, isang tahimik sa araw, siya na nagnanais na tumikim ng isang babae, o marahil ay dalawa nang sa gayun ay makontento at hindi mapakali sa panahon ng tag-lamig. Ang mga kaba sa kanyang dibdib ay iba sa kaba ng nakalipas at sa panahong iyon ay mananatiling mapusok sa gabi, sa laman, isang maninilang leon hanggang sa ang panahon niya’y hindi natatapos.

Lumipas na ang panahon ng kanyang kalibugan at isang panibagong buwan nanaman ang paparating, buwan ng hunyo at ang lahat ay magiging ibang muli, ang mga kabataan ay magiging abala sa kanilang pag-aaral at habang ang iba naman ay magiging abala sa takdang aralin. Buwan ng hunyo kung saan paparoo’t parito ang mga tao, sila’y walang inaaksayang oras, sila’y nasa kanilang tungkulin. Ito ang panahon ng pagiging matino sa eskwela, pagiging masunurin kay maestro, masusi ko rin naman pinag-aaralan ang mga bagay-bagay sa loob at labas ng kwarto at anumang ituro ni maestro ay aking itatanim sa isipan ko.

Handa na akong harapin ang mga panibagong pagsusulit, ang mga panibagong aralin, ang mga panibagong kaibigan at magiging kaklase sa eskwela. Isang panibagong yugto ng aking buhay at marahil ay magiging abala rin ako sa aking mga aralin at ayaw ko rin namang mag aksaya ng panahon hanggang sa ang trabaho ko ay hindi pa natatapos, ang lahat ng aking mga trabaho ay hindi maaaring maabala hanggang sa ang aking layunin ay hindi ko pa naaabot. Naalala ko noon noong ako’y nasa mataas na paaralan, aking binubunot ang sahig, kanila akong tinatawanan, inaalimura palibhasa ay ganun na lamang ang aking pisikal na katayuan sa buhay, ang polo ko’y manipis at naninilaw na. Hindi ko din alintana ang bawat bulong ng mga kaklase ko sa loob ng kwarto, akin lamang ginagawa ang trabaho, ang utos, ang layunin at sa ganitong paraan ay natuto akong makipag laban at humarap sa anumang pagsubok sa buhay.

Ang lahat ng aking pagtitiis sa mga gayung bagay ay resulta ng pagiging matiyaga, mapagdasal ng pangangailanang pang espiritual, determinasyon at disiplina. Ito ang naging pundasyon ng aking tapang upang mailathala ko ang mga bagay-bagay na literal at di literal. Naalala ko rin naman nang ako’y nasa elementarya pa lamang, ako’y isang aktibong mag-aaral at may katamtamang dunong, ako’y maabilidad at naging pinuno ng isang samahan sa eskwelang aking pinasukan. Palibhasa’y tahimik ako sa aking silid, masayahin at palakaibigan, walang iniisip na masama o mangyayaring masama man ay kanila naman akong niyuyurakan sa loob at labas ng kwarto at oo lumipas ang ilang araw ng aking pamamalagi sa eskwela ay may nagtangkang suntukin at bugbugin ako, palibhasa’y malaking tao at siga sa loob ng kwarto.

Nangyari ngang nilabanan ko ng manu-manong suntukan ang batang lalaki, isang suntok ang biglang sumugod sa akin ngunit ako’y nakailag sa suntok na iyon at palibhasa’y mabilis at malakas akong sumuntok ay binigyan ko siya ng isang pitik na suntok ngunit hindi siya natinag hanggang sa gumanti muli ang lalaki at swerte naman akong nakailag sa suntok niya at palibhasa’y mahina siya ay ako naman ang gumanti hanggang sa siya ay nanahimik. Ipinaglaban ko rin ng suntukan ang aking kaibigan sa labas ng eskwela, isang maliksing bata, matapang at tahimik ngunit may pagkahambog. ang aking kaibigan na si dandan ay isang maitim na lalaki, isang tahimik at mabait na bata, isang matalino at masunurin sa magulang, ang kanyang ina ay isang guro at kaibigan ng aking ina.

Lumipas ang ilang oras hanggang sa sumapit ang oras ng uwian sa klase, palibhasa’y bata ay bumili ng laruan na kanyang matagal ng nais bilhin at laruin at narito na nasalubong namin ang kanyang kaklase ay pinilit na inagaw sa kaibigan ko ang laruan at palibhasa’y iyakin ang aking kaibigan at natakot sya na baka siya ay bugbugin ng isang maliksing bata.

Di naglaon ay pinagtanggol ko ang aking kaibigan at kinuha ko ang laruan at ibinigay sa aking matalik at kaisa-isang kaibigan na si dandan. Sinunggaban ako ang suntok sa mukha hanggang sa ako’y muntik na matumba at agad din naman akong gumanti ng suntok ngunit hindi pa doon natapos ang kwento ng aming away, nagsakitan kami hanggang sa nakita ko ang stansa na masakal ang kanyang leeg sa pamamagitan ng aking kaliwang braso paikot sa kanyang ulo at di naglaon ay ginulpi ko siya hanggang sa inawat ako ng kaibigan ko ngunit hindi ako nagpigil sa paggulpi ko sa kanya sapagkat siya’y masamang bata. Dinampot kami ng may kapangyarihan ay dinala sa loob ng isang opisina kung saan dinadala ang masasamang tao, kung saan dinudulog ang bawat reklamo. Tinanong ako ng maykapangyarihan at nagpaliwanag sa harapan niya; aking sinabi na ipinagtanggol ko ang aking kaibigan dahil kinuha niya ang laruan nito sa kanya.

At mula dito, ay masasabi kong marami akong nakilalang mga tao ngunit lumilipas din ang panahon, isang linggo o dalawa o tatlo o apat; dahil dito ay hindi ko sila nakikilala sa paglipas ng oras. Lumipas ang buwan hanggang sa nakilala ko si Melisa beinte anyos ang edad, isang maputing babae at marahil ay mas mataas kay sa akin, siya’y nananatili sa kanyang magulang at kapatid sa bansang Australia. Hiniling ko noon na magkaroon ako ng matinong kausap at hindi tumitingin sa pagkakaiba ng mga tao; maging mahirap man o mayaman, maging maputi o maitim, siya’y mapagkumbaba gaya ko, siya’y estudyante na gaya ko.

Si Melisa ay aking kaibigan mula ng sa buwan ng Hunyo at paminsan minsan ay naguusap kami at binibigyan pansin ay mga bagay-bagay na hindi pa namin nalalaman gaya ng usapin ukol sa kani-kaniyang sarili at pag-ibig maging sa usaping pang pamilya ay hindi hadlang sa amin ang mag-usap at magkaroon ng mahusay at magandang pakikipagtalakayan sa isa’t-isa. Minsan na din naming napag-usapan ang ukol sa aming damdamin at dahil sa ako’y isang romantikong tao at mabait, may prinsipyo’t dignidad, may tapang at bukas ang isipan ay naitanong ko sa kanya kung ano ang hinahanap nya sa isang lalaki kapag siya’y ganap na indibidwal na at malaya. Sumagot sya ng ayon sa aking damdamin at gayu din sa hinahanap-hanap.

Nais niyang magkaroon ng magandang buhay at pamilya, nais magka-anak sa iisang tao na kanyang iibiging tunay.Sinabi nya rin sa akin kung ano ang gusto nya at binanggit nyang gusto nyang yung taong mapagkumbaba, maibigin at may oras sa kanyang magiging asawa at naghahangad ng maayos na pangkabuhayan kahit na siya’y kayumanggi o maputi. Pinilit ko pang magtanong ngunit hindi ko nabanggit ang iba pa kung kaya’t minarapat kong tanungin sya ng halimbawa lamang at ang tanong ay ganito, “paano kung sabihin kong gusto kita at gusto morin ako ngunit hadlang ang lugar at layo ng landas natin sa isa’t-isa, kaya mo bang bigyan ng pansin ang akin damdamin?“, at ang sinagot nya ay ito, “hindi ko alam ngunit gusto hindi ibig sabihin nito na ayaw ko sayo at kung sakaling magkalapit lang tayo ng kinaroroonan ay walang imposible sating dalawa“.

Natuwa ako sa kanyang sinserong sagot na bagaman ako’y hamak na maliit na tao ay may magandang puso ay hindi hadlang para iparating sa kanya ang aking munting nararamdaman sa maiksing panahon mula ng siya ay aking makilala at Nalulungkot dahil sa kalayuan ng landas namin sa isa’t-isa ay mahirap nga talaga ang humiling ng basta basta lamang, hiniling ko na makausap ang katulad nya at marahil ay wala ng susunod bukod pa rito. Naniniwala parin ako na malayo man ay kaya kong marating ang sing layo ng kanyang kinaroroonan. Madalas kaming naguusap sa kada uwi ko galing sa Unibersidad at hinahabol ko ang oras para lamang makipagusap sa kanya ay makita sya.

Gusto ko siyang maging asawa. Minsan narin siyang nilamig ng kanilang panahon, binigyang pansin ko naman ito at upang masabi ko ang aking gustong iparamdam, nais ko siyang bigyan ng mahigpit na yakap at mainit na halik sa kanyang labi. Ang kanyang mga ngiti ay nagsisilbing hudyat na pagsaggot na oo. Ang bawat salita ay may kasabay na halik na gaya sa aking nakalipas na pag-ibig, oo sa aking nakalipas na pag-ibig. Gusto ko siya na maging ina ng aking magiging anak; marahil ay kambal sapagkat yun din ang nais niya. Ano kaya kung ako’y maging ganap na mayaman at kayang bilhin ang mga mamahaling bagay, kayang marating ang mga malalayo at kayang bisitahin ang nais puntahan, kaya nya kayang ibigay sa akin ang salitang “mahal”? Ang mga salitang binanggit ko ay tunay, ang bawat pangyayari, ang mga oras na aming pinagsaluhan bawat gabi ay kawiliwili. Ang aming pag-uusap ay magiging matagal habang sa makilala nya ako at makilala ko sya.

At nang maalala ko ang aking nakalipas na pag-ibig, ang aking unang pag-ibig, naalala ko ang mga nakaraang nakalipas na ako’y nasa disenteng pananamit, nang siya’y aking makilala, naglalagablab na damdamin, ang mga oras ay hindi sinasayang maging sa umaga,  sa tanghali, sa hapon hanggang sa sumapit ang kabilugan at liwanag ng buwan. Naalala ko rin na sa bawat dagok ng masamang kapalaran, sa kapuotan man o kabaitan, binatid ko na sa bawat galit o puot sa damdamin ay lilipas din. Naalala ko na sa aking unang pag-ibig ay may dala-dala akong isang rosas, isang matinik at mapulang rosas na isinasaysay ang batid ng aking pag-ibig, ang mga bagay na hadlang sa amin na siyang binabasag ko, ang tamang pananaw ang magsabi ng salitang “mahal kitana tila ginto sa aking diwa at sa huli ay tinula ko ang tulang ito….

 

 

Gaano nga ba katimbang ang magsabi ng, “Mahal Kita?”

 

Ako’y gagamit ng aking maitim na kabayo

at hahamak sa mga kailaliman ng mga matataas na ulap.

Ito’y bunga ng aking pusong nasasadlak

sa iisang bunga na maaari kong pitasin at malasap.

Sa giliw kong ito o tila ang puso’y sumigla

ako nga ba’y isang bulag na may mata

o aking hinahanaphanap ang di nakikita?

Tila isang lathalain na nasusulat sa dingding na di’ mabasa

na siyang nais mabigkas ang hindi mabigkas.

Anong makatutulong sa akin na ito’y masabi?

Malibang ako’y gumawa ng hagdan upang masungkit ang bungang di pa umiibig.

Ako’y maparirito sa iyo na waring magnanakaw

sa kaibuturan ng iyong mapulang damdamin sa pagdungaw.

Sa umaga’y ikaw nga at sa gabi ako’y ibong kumakanta.

Hindi pa naparirito ang aking kalasingan

kaya’t pagsisikapang ikaw ay mapangiti.

Libutin man ng aking kaalaman ang ikaw

na di mapaparang ng ninuman sa mundong ibabaw.

Kauhawan ko sa malalim na bugtong at sa akin ay may bumubulong.

Umuugong ang lupang may yapak mong malabong

at samantala’y ikaw na kasama pa ay napagsamantalahan.

O anong lihim mayroon ang isang tulad na salita?

Walang katulad o kapares man kahit hanapin ay di makita

sapagkat hindi nasusulat na maaaring uliting ilathala

ang malalim na salitang nais sabihin at matalinghaga.

Ilihim ko man, may tumutulak sa akin ay ako nga

na siyang makapagsasabi sa lihim ay ikaw nga.

Sa matatayog na alapaap o ulap ay maisumpang mahal kita.

 

Madilim ang kalangitan, basa ang lansangan, maraming mga tao. Ang lugar na ito’y ginalugod ko at nilakbay ko ang kahabaan ng kalsadang iyon, mga nagsisikipang daan na naroroon ang samut-saring mga tinda, pananamit at pagkain,[alamuti, mga bulaklak at iba pa. Ang mga paa ko’y basa na habang malakas ang hangin, ang kaisipan ko’y nahalina na sa kahahanap sa kanya, ang pitaka ko’y kakaunti ang laman. Sa lansangan ay nagmumula ang paghahanap ng mga bagay-bagay na wari ay hindi makita ngunit idalangin mo, may mahahanap ka rin ngunit minsan ang tadhana ay sadyang mapagbiro at mapaglaro, hinahawakan ang palad, ginuguhit ang mga linya at ang mga mata mo’y maging mulat man ay sarado sila.

Ang lahat ay kakaiba, ang lahat ay may nakalaang oras, may simula at katapusan. Halika at ako’y samahan kung saan ako’y dumalaw at tinahak ang lugar na iyon. Naririnig mo ba ang ihip ng hanging dala ang ambon sa langit, maging ang hampas nito sa iyong payong, ang lamig na dumadapo sa iyong damit, ang bawat galaw nila na kung iyong papansinin ay minamadali ang oras. Bawat patak ay kapansin pansin, ang itsura nito ay tubig lang. Hinanap ko sya sa loob ng simbahan, nilibot ko ang pintuang daan papalabas at papasok, hanggang sa aking makita ang matagal ko nang inisip. Walang pagdadalawang isip nang siya’y aking lapitan, walang panganib na nakaambang, ngunit ang balakid na panahon ay hirang na.

Hinabol ko siya at muntik na magkalayo ng landas, ngunit ang aking mga mata ay nagbadya ng kagandahan. Hindi ko alam ang sasabihin ko, parang isang estudyanteng hindi alam ang isusulat sa papel at nang ako’y naglakad na ay sinabi ko ang mga bagay na ukol sa kanya at sa akin. Sinamahan ko siyang mamili ng damit para sa araw ng wika at nang magkagayon ay naisip naming umuwi at tumuloy sa kanyang tirahan. Isang guro sa elementarya ang aking nakilala at nakasama ng araw na iyon ngunit ako’y nakikipag-usap lang sa ordinaryong tao na walang pinagkaiba sa alin mang tao sa lupa, naisip naming sumakay ng kalesa dahil sa may kalayuan din ang kanyang tirahan at habang kami ay nag-uusap, biglang umulan ng malakas, umihip ang hangin at ako’y nabasa.

Nang kami ay makauwi na, inihanda namin ang mga pagkain at sinayang mga oras doon, nagkwentuhan at inalam ang mga bagay-bagay. Habang kami ay nagkakasiyahan sa kwartong iyon, makalipas ang oras, biglang may kumatok at kagad na pinagbuksan naman ng pinto ng guro na aking kasama, nagsabi ang matandag babae, “ipagpaumanhin mo ang aking panghihimasok ngunit  hindi ko pinahihintulutang tumuloy ang mga lalaki dito”. Sa sandali pa’y napilitan akong umalis na at samantalang gabi na nang oras ding iyon. Ako’y sinuyo ng panahon, ako’y inasar ng malamig na ihip ng hangin at mga ambon, pinaglalaruan ng ulap at tinaksil ng gabi. Nagpaalam ako at umalis ng bahay, tinahak namin ang daan at narito nanaman ang bagay na di kaaya-aya gaya ng aking binanggit sa una. Tumigil kami sa sandali at nagpalitan ng salita na kakaunti lamang, ngunit ayaw papigil ang ulan, ang hangin, ang gabi kung kaya’t minarapat kong ihatid sya karwahe at upang maunang umuwi sa kanyang tirahan. Sinusubukan ng panahon ang aking pasensya ngunit ang pagtitiis ay naririto sa akin, anung magagawa sa akin ng panahon kung aking mapaglilingkurang mabuti ang bagay na ninanais ko.

Muli ko nanamang tinahak ang malayo at mahabang daan at sumakay sa karwahe, ako’y tulala at walang imik, walang pinansin na anumang bagay sa paligid, maging ang mga bagay na naging kaaya-aya sa aking pita ay hindi ko pinansin ngunit bakit, bakit ganun ang aking inasal sa aking paguwi. Bitbit ang payong nang siya’y aking kausap hanggang sa paghatid at ito’y aking panilbing magandang loob sa kanya. Hindi ko na alam kung ano ang huling magiging asal nang ako’y makauwi na, tila balisa at hindi alam ang gagawin at habang sinusulat ko itong mga ito ay ganun parin sa ilalim ng gabi at ang payong ang hawak ko nang ako’y naging malungkot sa araw na iyon.

Pinagmasdan ko sila habang nakapalibot sa akin, ako’y nasa kalagitnaan ng mga tao at pinagmamasdan, ang aking mga paa, maging ang itsura at pananalita, maging ang malalim na pananaw sa mundong ito na kanilang nais tanawin at pinagtatawanan habang ako’y nakatingala sa kalangitan at pinagmamasdan ang mga ulap sa himpapawid. Ako’y hamak na uod sa mata ng mga tao at hindi nilalang at habangang tono na kanilang  naririnig ay kaniya lamang nilang pinakikingan ng mainam, at may silbi habang nabubuhay; gaya ng prutas na duryan na may malalaking tinik at kulay putik; isang mabaho sa mga ilong ng mga tao na hindi nakakakilala ng tunay na kaanyuan ng isang tunay na prutas, isang masarap at malinamnam na prutas.

Ang tanging nakakaalam ng mga bagay na ito ay siya kong pasasalamatan, oo, pasasalamatan ng buong puso na higit kaysa alin mang bagay na nakikita sa lupain na ito. Ang mabuhay sa bahagi na aking kinabubuhayan ay hindi biro at dapat na ibatay sa natural na buhay na kung saan ay nalalaman ko rin naman ang buhay at dinadanas ng mga tao, at ang mga tanong na paano, saan, alin, ano, kailan ay siya kong mga bagay na tinatanong sa aking isipan at katulad ng aking sinabi sa una ay ganito rin naman.Sa mata ng mga tao ay tila putik na nilalayuan, misang sulok na puros alikabok at madalang amitin kung ang ilaw sa tahanan ay mapawi ay sila naman akong gagamitin upang pagsilbihan sila sa dilim ay maruming tubig at ang tubig ay buhay, may kahulugan at kahalagahan, ako’y tila isang bagay o kandilang natatabi.

Alin man sa bagay na ito ay nararapat pansinin, maging ang malaki o ang maliit, alin mang bagay sa mundong ito ay nararapat pakinggan maging ito’y maliit o malaki. May tula akong nais banggitin ngunit akin na silang binanggit sa una pa, sila’y galing sa aking kaibuturan at hindi nagmula sa mga istranghero at kung nais man nilang malaman ang mga tulang iyon ay nararapat nilang lakbayin ang aking kaisipan at malawak na pananaw na patungkol sa mga bagay na aking sinusulat. Sa aking eskwelahan sa tapat ng morayta, binabaybay ko ang loob nito habang nakayukong naglalakad, ang aking isipan ay malinis ngunit hindi ko maiwasang magsalita sa aking kaisipan o kamalayan ang mga bagay na nakikita ko sa lugar na iyon.

Maraming tao, may kani-kaniyang ginagawa, mag nagsusulat, mag nagbibiruan, may nagkwekwentuhan, may mga nag-pipikunan, may mga mayayaman, may mga mapagpaimbabaw, mga palalo, may mga usaping ukol sa laman o pita ng bawat kasarian, mga mababait, tahimik at maingay, mapapayat at matataba, mabusisi at gutom, may busog at kumakain, may tumatambay, mga naghihintayan, ginagamit ang mga kakaibang bagay ukol sa pangteknolohiya, mga nagpapahinga at naglalaro sa ibat-ibang dako at sila’y paroot-parito, may dapit sumapit na madalas mayroon ang mga babaeng ito at iba pa.

Ang lahat ng ito ay nalaman ko na. Sa mata ng mga tao ay tahimik ako, isang mapagpakumbabang tao, isang maliit na tao ngunit malalim ang pananaw, tila walang kamalayan ukol sa katalinuhan, maabilidad ngunit matapang na tao at may paninindigang pinanghahawakan. Bata pa lamang ako ay nais ko sanang pumasok sa paaralan ng militar ngunit ang sabi ng aking ama ay nararapat akong maging boksingero ngunit dahil sa alam ko ang nais ko habang bata lamang ako ay ninais kong tulungan ang aking ama na umahon sa kahirapan.

Ako’y isang pintor ng silangan, aking ipinipinta ang mga bagay na aking nakikita at naiisip at anumang dumapo sa aking damdamin ay siya namang sinasalaysay ng mga pintura ko. Ang pintura ay hindi lamang isa ngunit maaari mo namang ihalo sa ibang kulay pa na gaya naman ng buhay ng tao na kahit anu mang buhay ay mayroon ka ay maaari mong baguhin ito at iyon ay kung nais mong iapabatid sa iyong sarili na gaya ng pagpipinta ay naisusulat o nalilikha mo ang iyong sariling buhay.

Dumating ang panahon na ng ikalawang taon at mula dito ay may mga bagay na akong narinig at nasaksihan.may isang tinig akong narinig mula sa isang samahang ito na ipinaglalaban ang bukod tanging banal sa sinasalita ukol sa espirito’t laman, tanging nakakapagsalba sa mga taong makasalanan sa sanglubutang ito, tanging makakapagpabuti ng kaisipang ukol sa lupa. Batid ko sana na sabihin ang aking ninanais na mga wika at salita para dito. Ang bawat tao ay may mga sariling paa, kaisipan at kamay, nilikha ang mga ito upang gamitin sa ikabubuti ng tao ngunit ang masamang tao na may maruming puso at itim na budhi ay gagamitin sa masasamang bagay ang mga ito. May nabalitaan ako na may pinaslang ang mga taong ito ngunit sa isip ko, anu mang sabihin mong katotohanan ay hindi mawawala ang masamang banta ng buhay, nariyan lamang sa paligid mo, pinakikinggan ka lamang at hinihintay.

Ang pagiging lalaki ng tao ay hindi naipapakita sa kung gaano ka kayaman, kung gaano karami ang iyong irog sa buhay, kung gaano maging matipuno o kung gaano sa kagandahang lalaki, at kung gaano ka katapang na lalaki sa harap ng mga kaaway, hindi ito ang pagiging batayan ng isang lalaki. Ang isang tunay na lalaki ay nagsasalita ng may laman ang bibig, isang salitang hindi maaaring pabagsakin ng sino man at mayroong isang salita ukol sa katotohanan. May narinig akong sigaw sa labas na nagwiwikang, “Lumabas ka sa lungga mo at ipakita mo at ipahayag mong tunay kang lalaki!“, habang naririnig ko ang kanyang sinasabi ay nagiging malakas ang aking katapangang loob. Kapag ang isang tao na nagtatago parati sa lunggang kanyang tinitirikan at ipinagtataggol ng kanyang mga tauhan ay hindi lalabas at hindi magpapakita ng kanyang pagiging lalaki, siya ay duwag at walang kwenta, sapagkat siya’y hindi makapag salitang totoo sa kalaban.

Gaya ng isang debate na ang bawat panig ay may sariling pananaw, may sariling damdamin na ipinaglalaban at sariling paniniwala, ang magkabilang panig ay nagsasabi ng kani-kanilang saloobin ngunit isa lang ang magtatagumpay dito at iyon ay ang may katotohana sa kanyang bibig. Ang labanan sa iglesia ay pang espiritwal at hindi ginagamitan ng marahas na bagay na ginagamit ng mga taong walang puso at walang mabuting isip, at hangad ko silang mamatay at matira lamang ang mga taong mabubuti sa lupa. Ayaw ng aking ama na nasa langit ang dumami ang mga taong masasama, gusto ng aking ama na dumami ang kanyang babalikan sa oras ng kanyang pagdating.

Ang usaping pang katotohanan ay ginagamitan ng mga salitang may katotohanan at hindi ng pambobola, bagamat hindi nababasa sa batas ng Diyos na bawal mag shabu ay maaari ng magshabu, hindi ganito ang tunay na ideolohiya ng isang tao, bagaman nababasang, “humayo kayo at magpakarami” ay kaagad na susundin, para kang lamang isang manika at tila tanga, hindi lahat ng tao ay dapat sumunod dito ngunit ang siyang mabuti ang dapat magpakarami ng kanyang binhi. Hindi lahat ng nababasa ay sinusunod dahil sa may palatuntunan ka na dapat mo munang malaman bago sundin ang iyong binasa.

Aking nabasa sa banal na kasulatan na walang purgatorio ngunit may matitigas ang mga ulo, aking nabasa na bawal lumuhod sa anumang nilikha ng mga kamay na ukol sa dagat o sa lupa o maging sa langit dahil ito’y karumaldumal, aking nabasa rin naman na hindi inuulit ang dasal ngunit maraming mga tanga sa lupa. Saksi ako sa katangahan ng mga tao, saksi ako sa kasamaan ng mga tao, oo, ang tao’y may mga kasalanang ginagawa at nagagawa, mayaman man, dukha, mabuting loo, magandang babae o lalaki, guro, pulis, propesyonal na tao o edukado at iba pa.

May narinig akong balita, “ang sinomang maniwala sa sabi-sabi, walang bait sa sarili”. Ang mga tao ay mayroong mga bagay na hindi na dapat intindihin pa sa dahilang wala ng magagawa ang isang bagay na nawala na sa lupa, narinig kong nagpapakita pa ang mga taong namatay na, nagpaparamdam, giniginaw, tumatayo ang mga balahibo, nakakakilabot kuno, may nagpaparinig o kumukusko, mga kakaibang salamangka at iba pa, ang lahat ng mga ito ay hindi ko pinapansin, anung magagawa sa akin ng isang namatay na o ano ang magagawa sa akin ng isang mangbabarang?

Sila raw ay dapat katakutan sapagkat mangyayari ang mga bagay na hindi inaasahan. May binalikan ako sa nobelang ito, na mayroong isang tinig na isinisigaw ang katotohanan maging ang kabayaran man ay buhay maisiwalat lamang ang katotohanang ikaliligtas ng tao. Maraming pumapatay sa iglesia, maraming ipokritong tao, maraming nagpapayaman, ginagamit ang mga tao upang sa ikakabuhay, sila’y duwag na umaakay sa kapwa nila bulag, sila’y mahuhulog na dalawa sa hukay na may apoy, sila’y pahihirapan ng habang buhay, at ang mga mabubuting tao ang nagsasaysay ng mga katotohanan at sumisigaw sa harapan ng mga ulupong. 

Ang ikalawang taon ay sumapit nga, ika dalawamput lima ng Disyembre sa panahong dalawang libo’t walong taon ng pamumuhay. Sa Pilipinas o maging sa ibang bansa, sa barangggay man o sa ibang lalawigan, sa tirahan man o sa labas. Ang mga bata’y masisiyang nagkakantahan nanaman at ngangaroling sa mga bahay-baha. Naalala ko ring ganun rin ako sa kapanauhang ako’y bata pa at sa pagkakataong yaon at nilathala ko at tinandaan ko na ang bawat isa sa atin ay lilipas din ang mga alaala ngunit ang ibang alaala ay mananatili.

Ang mga batang ito ay binibigyang pansin sa lansangan, sila’y binibigyan ng kanilang makakain, binibigyan ng mga tira-tirang damit sa panahong taglamig. Ito ang ispirito sa tunay na lansangan ng mga di kilalang tao. Mayroong isang bata sa palasyo na aking nakita sa aking panaginip, at tila ang binatang ito ay walang gustong hilingin sa araw ng pasko ngunit isang bagay ang katangi-tangi sa kanya, na mabigyan ng regalo oh maging sa kanyang sariling gawa ng agbili ng sariling regalo. Marami na ang bumati ng pamamasko, marami naring humiling ng pag bisita at marami naring nag-bigay ng surpresa sa kalagitnaan ng taglamig. Ito ang unang pagkaalam.

Ang binatang ito na sa aking panaginip ay matagal ng humiling ng regalo para sa kanyang sarili. Isang regalo na mapupunan ang pangangailangan sa araw-araw at bagaman may nangangailangan sa kanya ay naglalaan din ng panahon at tulong sa kanino man. Kahit man lamang isang pirasong damit ay gagaan ang loob nya, kahit na isang pirasong pangbaba na damit ay gagaan ang kanyang kalooban at matutuwa ng lubos. Hindi sya mahilig umalis ng bawat minutong lumipas ngunit mahilig siyang tumanggap ng bagay na kanyang nais. Oo, ang binatang ito ay simple, isang binatang mababaw ang kaligayahan ang kalooban, at bihirang mapansin sa kanyang mukha ang munting ngiti. Tila isang tao lamang ang makakagawa nito. Ang munting regalo na ito ay magiging simbolo ng taos pusong pagtanggap at isang malaking handog o aginaldo sa araw ng “Pascua” sapagkat ang regalong yaon ay gagamitin nya sa kung saan man sya dalhin ng kanyang kaalaman. Ito ang ikalawang pagkaalam.

Damang dama nya na sa araw na kunin nya ito ay tiyak niyangmagiging masaya na siya. Lubos kong nauunawaan ang binatang ito sapagkat ang binatang ito ay simple nga lang ngunit mataas ang pangarap. Isang pangarap na aahon sa kanyang buhay o kahirapan. Sa aking panaginip, nabatid kong lilisan siya sa araw na siya ay magdesisyon sa araw na nais niyang kunin ito. Lalakad lang sa sandali, mag iisip sa tabi, iinom ng kape hanggang sa matapos siyang makainom ng mainit na kape sa hapon. At sa araw din yaon, tititig ang kanyang mga mata sa itaas, pinagmamasdan ang mga ulap na may katahimikan. Masarap ang tahimik na lugar, lumalakad sa kanyang diwa. Ito ang ikatlong pagkaalam.

Dala niya ang salapi pati ang desisyong bilhin ang munting regalo sa kanyang sarili sa araw ng Pascua. sa isa pang sandali at naligo na at nagbanlaw, nagbihis na at naghanda. Malayo na sya at gustong gusto nang bumili ng munting regalo. sa kabila ng mga bagay na ito, nalaman kong bumili siya ng isang pares at di mamahaling bagay, gusto niya itong isuot pagkatapos bilhin, isusukat nya muna ito sa kanyang paa ngunit hindi ito sapatos. Gusto nya ng simple, gusto niya ng maayos na isusuot. Sayang at mag-isa lamang siya, sayang at malungkot parin siya at hindi ko alam kung bakit at ano ang dahilan, tila isang tradisyon sa tuwing sasapit ang araw ng “pascua”. ito ang ikaapat na pagkaalam.

Narito, isang masayang binata ang nasaksihan ko. Isang binatang nakamit ang kagustuhan sa araw ng pangangailangan, isang biniling pares ang nasilip ko, isang pares ng tsinelas na suot ng kanyang mga paa. At mula dito, ang binata’y masaya na hanggang sa ang araw ay matapos at ang panahon ay lumipas. Isang pasasalamat para sa kanyang mga ginawa sa isang araw ng tradisyon at ang binata ay nawala na sa aking panaginip at marahil ay matagal pa kaming magkikita sa panaginip, matagal pa ngunit malapit lamang siya, naririto lamang siya, naririto lamang at ito ang ikalimang pagkaalam sa isang binatang may munting tsinelas sa araw ng pasko.

- Wilfredo Bolbes

Posted by belisima at 8:54 pm | permalink

Previous Comments

haba niyan

Posted by play at August 10, 2009, 3:59 pm

All comments are moderated. Your comments will not appear here unless approved by the blog owner. Thank you.

Add a comment